Goyo Ang batang Heneral: Isang Impormal na Rebyu





Salamat sa pakiki angkas ko sa Netflix ng kaklase ko at napanood ko and ikalawang Pelikula na ginanawa sa direksiyon ni Jerold Tarog na hango sa talambuhay ng ating mga bayani. Ang unang pelikula ay ang matagumpay na Heneral Luna na pinagbidahan ni John Arcilla na umani ng maraming parangal at kumita nang Malaki sa mga sinehan dahil sa pagtangkilik ng mga manonood. Ang Goyo ay pinagbidahan ni Paulo Avelino. Bagamat sa aking pananaw, naging maganda ang pelikula, ay marami sa mga nanood ang hindi kontento dahil nagulat sila sa mga ipinakita ng pelikula. Nagsimula silang magtanong tungkol sa pagiging bayani. Malamang ay may mga nagtanong kung tama bang gawing bayani si Del Pilar. Ang tanong rin na ito ang magiging pokus ng rebyu ko na ito. Ano nga ba ang pagiging bayani?

Ang Goyo naman ay hango sa buhay ng batang Heneral na si Gregorio Del Pilar. Isa sa mga tapat na tagasunod ni Heneral Aguinaldo at sinasabing may papel na ginampanan sa kamatayan ni Heneral Luna. Nasabi ko na sa rebyu na naisulat ko tungkol sa pelikulang Heneral Luna ang aking posisyon na isa ako sa mga naniniwala sa pagiging mahina ng pamahalaan ni Aginaldo dahil ito ay pinamunuan niya sa pamamaraan kahambing sa konsepto na kung tawagin natin sa panahon ngayon ay "palakasan"(Cansino, 2016). Bago ako magpatuloy, gusto kung linawin and terminong ginamit ko upang ilarawan and pamumuno ni Aguinaldo. 

Ang palakasan ay isang sistema kung saan inilalagay niya sa mga posisyon ang mga tao hindi base sa kakayanan nito kundi sa katapatan nito sa kanya (nepotism). Makikita na ang pagpatay kay Luna (Bagamat hindi naisulat sa kasaysayan kung sino ba talaga ang pumatay kay Luna, ngunit nasabi naman sa mga bulong bulungan ng mga tao sa loob ng rebolusyon). Isa si Del Pilar sa mga tao na nakatikim ng maraming pabor kay Aguinaldo dahil sa katapatan at pakikisama nito sa kanya. Nabanggit it sa isa sa mga papel na nabasa ko sa pag aaral ng Pilipinas na ang pagbagsak ng republika ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Aguinaldo ay naka ugat sa "rehiyonalismo". Sinasabi na ang Pilipinas ay hindi pa handa na maging isang bayan o isang "nasyon". Ang rebolusyon marahil ay koleksion ng mga indibidwal na gustong lumaban ngunit iba-iba ang dahilan ng pag laban. Nangibabaw ang sariling interes at ang interes ng kani-kaniyang indibidwal, pamilya, municipyo at lalawigan. 

Gusto kong balikan ang tanong ng pagiging bayani? Sino ang mga bayani? Ano ang pagiging bayani? Ito rin ang tanong ng batang maniniyot (photographer) na inarkilahan ni Aguinaldo. Kanino nga ba ang katapatan ni Goyo? Sa republika nga ba o sa Presidente? Saan ba dapat naka lagay ang katapatan? At ang sa tingin ko na pinaka mahalagang tanong ay bayani nga ba si Del Pilar (Goyo)?

Ang titulong bayani sa konsepto natin sa Pilipinas ay nagsimula sa pag sulong ng ideolohiya na pagkakaroon ng isang bansang Pilipinas. Ang isang mahalagang tanong na lagi kong itinatanong sa aking mga mag-aaral ay kung kalian nga ba tayo naging Pilipino? Ayon nga kay Agoncillo, bago dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, walang kasaysayan ang Pilipinas. Ang mga Espanyol ang nagdala ng kasaysayan sa Pilipinas. Bagamat alam natin na ang konsepto ni Agoncillo ay hango sa disiplinang Rankean, isang importanteng konsepto na dapat na lagi nating maaalala ay hindi tayo Pilipino bago ipinanganak si Jose Rizal. Meron lamang apat na uri ng tao sa Pilipinas (1) Espanyol (a) peninsulares (b) insulares (2) Tsino (3) mestizo, (4) indio. Ang isang nasyong Pilipino ay imbento lamang ng mga illustrado. Kasama ito sa mga propaganda na niyakap natin upang tayo ay mag buklod at magkaisa. Sino ang mga bayani? Sila ang mga tao na tinuturing na may ambag sa pagkakaisa o pagkakakilanlang Pilipino na meroon tayo ngayon. Ano nga ba ang bayani? Kung ako ang magbibigay ng pagpapakahulugan sa salitang ito, "ang bayani ay isang indibidwal na nakapag-ambag sa lipunang Pilipino". Balikan natin ang tanong kung karapat dapat bang tawaging bayani si Goyo. Simpleng tanong may na-ambag ba si Goyo sa diwang Pagka-Pilipino?

Sa aking pananaw oo. Naging isa siyang martir para sa bayan. Ibinigay niya ang kanyang buhay para ipagtanggol ang Pilipinas o kahit sabihin na lang natin na gusto niyang ipagtanggol ang kanyang presidente na sa panahon na iyon ay sumisimbolo sa Pilipinas. Oo at mayabang at babaero si Goyo pero hindi rin naman ito magiging dahilan kung bakit siya mawawalan ng karapatan na tawaging bayani. Hindi kailangang maging perpekto ng isang bayani. Ang kailangan lamang ay ang serbisyo sa bayan. Kasama sa depinisyon ng pagiging bayani na gusto kong isulong ay ang ideya na hindi kailangang mamatay ng isang tao para maging bayani. Ang kailangan niya lamang ay merong magawa. Bayani nga ba si Goyo? Sa tingin ko oo. 







Comments

Popular posts from this blog

Why Teachers Should Read Paulo Freire as A Teacher: A Reading Guide for Freire

Book Review Making: Anthropology, archaeology, art, and architecture, by Tim Ingold, Routledge, London, and New York, 2013, 163 pp., figures, notes, references, index. ISBN 978-0- 4155-6723-7 (paperback).

The Message of the Talking Tree